Suicidal Poem o Mga Bagay na Naisulat Ko Noong Hatinggabing Nakasisindak

Inaayos ko ang gulu-gulo kong libro at notebooks sa shelves nang mabasa ang isang hindi tapos na tulang naisulat ko mga ilang taon na rin ang nakaraan. Ilang minuto ko rin itong paulit-ulit na binasa. Hindi ko maintindihan ang gusto kong ipahiwatig. Magulo malamang ang isipan ko nang mga sandaling iyon o baka naman sadyang mabilis lang makalimot ang utak kong tumatanda na. Hanggang sa unti-unting nagkalinaw na parang tubig na malabo at mala magical film na biglang luminaw ang tubig dahil sa kapangyarihan ng itim na bato ng isang magiting na superhero. Tuuggshh. Alam ko na. Sinulat ko ang tulang iyon noong gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Ako nga ang taong madilim mag-isip minsan, minsan lang naman. Melancholic at nakakaburyong ang pananaw ko sa buhay. Pero hindi pa ako umabot sa paglalaslas ng pulso. Ayoko mamatay ng may dugo. Gusto ko malinis na kamatayan. Ayoko ng may galos o marka ng karahasan. Kaya naman sa isipan ko lang pilit nilalason ang aking katawang lupa. Pilit pinipigilan ng utak ko ang pag daloy ng dugo sa aking blood vessels. Parang tanga lang. Pero ayon sa nabasa ko sa website na cracked.com, mas nagiging matalino ang mga taong malulungkot. Mas nagiging creative, mas nagiging logical, rational, artistic, realistic at malalim. Ewan ko pero parang totoo. Ewan. Basta naisipan ko lang isulat dito ang tulang hindi tapos na ‘yon bago ko itapon ang papel na pinagsulatan.

 

(Walang Pamagat)

Hinihintay ko ang sikat ng araw sa silangan

Hanging humahaplos, asul na karagatan

Umiindak sa ritmo ng tugtuging sumasabay

Sa inog ng mundong tinatangay

Patungo roon sa paraisong tiwasay

 

Hinihintay ko ang sipol ng hangin sa madaling araw

Wari’y banta ng iyong pagdalaw

Ikaw na dagliang lumisan at naglaho

Salamin kang winasak at binuong muli upang maging sagrado

Ikaw na banal ang hulmahan ang makaririnig ng palahaw

Ng sawi, tuyot sa masidhing uhaw

 

Ganito ang kahulugan nito sa akin. Hinihintay ko ang kamatayan. Ang Ikaw na aking binabanggit ay ang aking kapatid na pumanaw. Hinihintay kong sunduin niya ako. Ako’y nalulunod sa kalungkutan. Nais ko nang mamatay upang maging maligaya. Huwag mag-alala, matagal na ‘yan at masaya mag midnight snack ng pizza.

Leave a comment